Thursday, March 5, 2009

Grado: Hindi Sapat na Basehan

I. Mga Bokya Sa Eskwela, May Pag-asa Pa!

A. Panukalang Pahayag

Ang grado sa eskwela ay hindi sapat na basehan upang sabihin na ang estudyante ay magtatagumpay o mabibigo sa kanyang kinabukasan.

B. Introduksiyon

Ang paksa ng mga mananaliksik ay tungkol sa pananaw ng mga tao na ang mga estudyanteng may mabababang grado ay wala nang pag-asang magtagumpay. Mas karaniwang pinaniniwalaan na ang mga estudyanteng may matataas na grado lamang ang tiyak na magtatagumpay.
Ang mga mananaliksik ay nagnanais mabago ang maling pananaw sa mga estudyanteng may mababang grado. Nais nilang idepensa ang mga estudyanteng ito sa mga diskriminasyong kanilang nakukuha mula sa ibang tao.

C. Rebyu/Pag-aaral

Sa mga ginawang pananaliksik, maraming naunang pag-aaral ukol sa paksa ang lumabas.
Isa na rito ang artikulo ng Pcma-uno.org na pinamagatang “What is Education?” Sa akdang ito, tinatalakay ang kahalagahan ng abilidad ng bawat estudyante. Inilahad din ang sistema sa akademikong pag-aaral at kung paano nito naapektuhan ang bawat klase ng mag-aaral. Idiniin ng may akda na hindi sapat na basehan at sukatan ng pagtatagumpay ang mga gradong nakukuha sa mga pagsusulit sa papel o sa record ng mga grado.
Ayon naman kay Captain Bob Web, may akda ng “How At-Risk Youth Can Develop a Career and Be Productive?”, hindi kailangang maging matalino ang estudyante sa pagsagot sa klase upang maging matagumpay. Nabanggit sa akda ang mga elemento sa pagtatagumpay ng mga estudyanteng mahihina sa klase.
Sa artikulo ni Daniel Leonov na “Famous College Dropouts Who Became Successful Businessman”, binanggit niyang iba-iba ang mga tao sa paraan ng pagtagumpay.
Isa pa ang artikulong “Success Without A Career?” ni Kate Lorenz. Ayon sa kanya, ang kakulangan ng mga tao sa mga pangakademikong bagay ay mababawi sa utak, impluwensiya, lakas ng loob, at kagalingan sa pagnenegosyo.
Sa akda namang “Fifteen Successful Entrepreneurs Who didn’t Need College” na matatagpuan sa www.college-startup.com, tinalakay na hindi nagtagumpay ang ibang kulang sa edukasyon. Sa mga nakapagtapos naman at nagtagumpay, nagsisilbing gabay at back-up niya na lamang ang kanyang degree.
Ang libro ni Joey Concepcion na “Negosyo” ay tungkol naman sa mga matatagumpay na limampung negosyante ngayon. Doon ay tinalakay ang kanilang nakaraan at kasalukuyang buhay. Ibinahagi doon kung paano nila nakamit ang tagumpay na kanilang nilalasap ngayon.
Ang artikulong “No Grades for Juan” ni Potenciano D. Conte Jr. ay tumatalakay sa mga hindi magandang epekto ng kompetisyon sa loob ng silid-aralan.
Ang artikulo naman ni Ramon Tulfo na ang pamagat ay “Bar flunkers before, successful lawyers now” ay tumalakay sa pagiging matagumpay sa kinabukasan kahit pa mababa ang ranko sa eskwelahan.
Sa librong “Psychology and Business” ni Jove Jim S. Aguas ay binanggit ang teorya ni Robert Sternberg na nagsasabing may tatlong aspekto ng talino ang tao.

D. Layunin

Ang layunin ng pananaliksik na ito ay ang mga sumusunod:

Tiyak

• Makatulong ang pananaliksik na patunayan na ang grado ay hindi sapat na basehan upang sabihin ang magiging kinabukasan ng isang estudyante.
• Makatulong na mabago ang maling pananaw sa mga estudyanteng may mababang grado dahil mayroon din silang magandang kinabukasan.
• Makatulong na mabigyang-tiwala sa sarili ang mga kabataang bigo sa kanilang silid-aralan.
• Makatulong sa mga iba pang nanaliksik tungkol sa paksang ito.

Pangkalahatan

• Maaaring magbigay ng karagdagang impormasyon sa larangan ng Sikolohiya ang pananaliksik na ito upang maintindihan ang epekto ng diskriminasyon sa mga kabataan.
• Makatutulong din ito sa larangan ng Edukasyon upang malaman ng mga mag-aaral na hindi lamang sa grado nasusukat ang kanilang galing.
• Makakapagbigay ng impormasyon ang pananaliksik na ito maging sa larangan ng negosyo sapagkat ang mga ibang impormasyon ay patungkol sa pagnenegosyo o sa mga negosyante mismo.

E. Halaga

Mahalaga ang pananaliksik na ito para sa mga estudyanteng may mabababang grado. Maaari nilang gawin na inspirasyon ito upang maging matagumpay sa kinabukasan.
Makatutulong ang pananaliksik na ito sa mga iba pang mag-aaral tungkol sa paksa sapagkat mayroon nang impormasyon na makakalap dito.
Importante ito sapagkat makakatulong na mabigyan ang mga estudyante ng paraan upang makabawi sa kanilang pagkukulang sa eskwela katulad na lamang ng pagkakaroon ng inspirasyon at motibasyon.
Magsisilbing inspirasyon sa lahat ng makababasa ang pananaliksik na ito.

F. Konseptuwal na Balangkas













Ang mga estudyante sa kolehiyo ang sentro ng pananaliksik. Ang grado ng mga nasabing estudyante sa kolehiyo ay ibinabase sa mga pagsusulit sa papel. Kinakailangan ng mga estudyante ng mataas na marka para makatapos. Ngunit hindi lahat ng estudyante ay mataas ang mga nakukuhang marka, mayroong ibang estudyante na mababa ang marka. Dahil sa mga nasabing mababang marka nagkakaroon ng diskriminasyon. Paulit-ulit na ipinapaalala ng mga nasa paligid nila ang pagkakaroon nila ng mababang marka. Ang hindi alam ng mga taong ito, mababa man o mataas ang marka ng isang estudyante ay maaari pa rin itong magtagumpay. At upang makamit ang tagumpay na ito, kailangan nila ng motibasyon at inspirasyon. Kaya hindi tama na ang grado lamang ang basehan upang masabi na mabibigo o magtatagumpay ang isang estudyante sa kinabukasan dahil matalino ka man o hindi, mayroon kang pag-asa na magtagumpay.

G. Metodolohiya

Ang mga mananaliksik ay naghanap ng mga impormasyon sa libro at internet na maaari nilang gamitin upang basehan sa kanilang pananaliksik. Ang mga impormasyon na kanilang nakalap ay kanilang ipinagsama-sama.

H. Saklaw o Delimitasyon

Ang pananaliksik na ito ay magbibigay-diin sa mga estudyante sa kolehiyo na may mga mababang grado at nakararanas ng diskriminasyon.

I. Daloy ng Pag-aaral

Ang mga mananaliksik ay naghanap ng mga impormasyon tungkol sa mababang grado. Naghanap din sila ng mga matatagumpay na personalidad ngayon ngunit hindi naman ganoon katalino noong sila ay nasa eskwela pa. Sila ay naghanap sa mga libro at maging sa internet para sa mga impormasyon. Matapos nito ay pinag-ugnay-ugnay na nila ang kanilang nakalap at isinalin na sa pormal na pananaliksik.

II. Tagumpay Sa Kinabukasan: Grado Lamang Ba Ang Basehan?

A. Edukasyon, Grado, At Tagumpay

Marami ngayon ang tumitingin sa kinabukasan ng mga estudyante base sa kanilang grado sa eskwela na hindi naman tama sapagkat marami ang nagtatagumpay kahit kulang sa edukasyon. Ang maling pananaw na ito ay nagbibigay ng pressure sa mga estudyante. Ayon sa artikulo na “The At-Risk Student May Be A Genius” ni Captain Bob Web, ang mga estudyanteng may mabababang grado ay nasasabihang bigo limang beses sa isang araw at limang araw sa isang linggo. Dahil sa laging pagpapaalala na sila ay mga bigo, lumiliit ang tingin nila sa kanilang mga sarili na mas nagbibigay ng negatibong resulta kaysa sa mabuting naidudulot ng diploma.
Ano nga ba ang edukasyon? Ayon sa Encarta Dictionaries, ang edukasyon ay ang proseso kung saan ang bawat estudyante ay nakakalikom ng mga kaalaman sa pamamagitan ng pagtuturo at pag-aaral lalo na sa eskwela o sa kahit anong parehong institusyon. Ayon sa isang artikulo na galing sa Pcma.org, isang nangungunang organisasyon para sa pagtititpon at event ng mga Professionals na naglalayon na makapagbigay ng edukasyong may mataas na standard, ang sistema ng pagtuturo sa silid aralan ay nagbibigay-pansin lamang sa mga grado. Kulang ang sistemang ito sa pagbibigay ng motibasyon sa mga estudyante dahil nakatuon na lamang ang pansin nila sa gradong kanilang dapat makuha para makapasa. Ang mga estudyante ngayon ay nahahamon sa akademikong paraan ngunit wala naman silang motibasyon.
Sinasabi na ang estudyante ay nakakuha ng mababang grado kapag ang kanyang grado ay hindi umabot sa standard grading system (zero-based) ng paaralan.
Base ulit sa Encarta Dictionaries, ang tagumpay ay ang pagkamit ng mga plano o mga pangyayaring nais mangyari. Isa pang kahulugan ay ang pagkakaroon ng accomplishments sa buhay lalo na kung ito ay patungkol sa pera, kasikatan, o kapangyarihan.

B. Diskriminasyon ay Alisin, Motibasyon ang Gawin!

Ayon sa artikulo na ‘What is Education?’, karamihan sa mga eskwelahan ngayon ay ginagawang basehan ang nakukuhang grado sa mga pagsusulit na nakasulat sa papel at kapag mababa ang nakuha ng estudyante ay sinasabing siya ay bigo. Ang natural na abilidad ng isang tao ay hindi masusukat sa isang pagsusulit na nakasulat lamang sa papel.
Ang pagsusulit sa papel at ang pagsasaulo ng mga salita ay nakakabawas lamang sa kagustuhan ng mga estudyante na matuto dahil wala naman ang kanilang puso sa mga gawaing ito. Wala ang kanilang inspirasyon na matuto. Ang edukasyon ay hindi natatapos sa pagkuha ng diploma, ito ay habang buhay.
Gawin nating halimbawa ang isang magulang na hindi marunong gumamit ng makabagong teknolohiya katulad ng computer. Hindi niya kakayanin na matutong mag-isa. Dumating ang kanyang anak na hindi pa naman talaga ganoon na mahusay sa akademiko. Kanyang sinuri ang computer at pinilit alamin ang paraan ng paggamit nito. Mayroon siyang limitadong kaalaman ngunit marunong siya na isipin kung ano ang maaari niyang gawin. Marunong na rin siyang magproseso ng mga impormasyon kahit na hindi pa ganoon karami ang kanyang nalalaman sa mga akademikong bagay. Ito ang natural na solusyon ng bata sa sitwasyon.
Kahit bata pa lang ay mayroon nang natural na abilidad upang makapagproseso ng mga impormasyon. Kapag dumating na sa pagdadalaga o pagbibinata ang batang ito ay kinakailangan na niyang bumagay sa sukatan ng abilidad at ito nga ay ang grado. Dahil dito ay nakatuon na lamang siya sa pagmememorya ng mga salita kahit na hindi na niya ito naproproseso. Inaalis nito ang pagiging malikhain niya sa pag-iisip.
Ayon ulit sa nabanggit na artikulo, hindi lahat ng matatagumpay ay nakakuha ng matataas na grado. Mayroon lamang silang magandang pananaw sa kinabukasan, nagsasaliksik sila ng bagong kaalaman, isinasabuhay at prinoproseso ang mga kaalamang ito, at naghahanap ng magandang solusyon sa mga problema.
Sa artikulo ni Potenciano D. Conte Jr. na ang pamagat ay “No Grades for Juan”, binanggit niya ang tungkol sa karanasan ng kanyang pinsan na si Zylia. Si Zylia ay isa sa mga nakaranas ng pagkakaroon ng mababang grado. Dahil dito ay hindi niya natapos ang ikalawang baitan. Siya ay tinukso at tuluy-tuloy nang napapahiya. Dahil dito, naisip niya na siya ay walang alam at napakahina ng utak hanggang sa siya ay nawalan na ng tiwala sa sarili. Nakapagtapos naman siya sa sekondaryang paaralan ngunit baon niya ang kanyang kabiguan. Ang kanyang karanasan ay naging dahilan sa kanyang hindi pagpasok sa kolehiyo. Natakot siyang sumubok sa kolehiyo at hindi na niya nalaman pa ang kanyang maaaring potensiyal. Isa na lamang siyang maybahay ngayon na mayroong anim na anak.
Naniniwala si Potenciano D. Conte Jr. na ang kompetisyon sa loob ng klase ay hindi na nakakatulong sa pagkatuto ng mga estudyante. Dahil sa kompetisyon, maraming pagkakaibigan ang nasisira. Ang iba pa nga ay kumokopya para lamang magkaroon ng mataas na marka. Ang iba pa nga na magulang ay nagbibigay ng suhol sa mga guro upang magkaroon ang kanilang anak ng honor. Ilan lamang ito sa maling naidudulot ng kompetisyon para sa mataas na grado sa klase.
Sinabi niya na kung ang mga paaralan lamang ngayon ay lumipat sa pagkakaroon ng non-graded sytem, sigurado siyang magugulat sila sa magiging resulta nito.
Si Sam Walton na isa sa mga namumuno sa Wal-Mart stores. Masasabi niya na ang empleyadong magtatagumpay ay kinakailangan ng pagmamahal sa kanyang trabaho, mayroong natural na talento, may positibong tingin sa sarili, malikhain, at hindi takot sa ano mang pagsubok. Ang pagbibigay niya ng responsibilidad sa kanyang mga empleyado ay nakakatulong sa pagpapalabas ng kanilang mga produktibong katangian. Ang katangian na ito ay hindi makikita sa mga application form na ipinapasa sa kanya. Sa makatuwid, ang talento ng isang tao upang maging magaling ay hindi naman talaga makikita sa mga ipinapasang resumé.
Mayroon ding mga Pilipino ang matagumpay na ngayon kahit na hindi ganoon kataas ang kanilang marka noon sa eskwela at kahit na hindi sila nakapagtapos ng anumang kurso sa kolehiyo.
Ang librong “Negosyo” na tumatalakay sa mga matatagumpay na negosyante sa ngayon ay nagbigay ng mga halimbawa.
Si Joey Concepcion ang siyang nagsulat sa librong “Negosyo”. Binanggit niya sa libro na siya ay isang average na mag-aaral ng La Salle at sa katunayan ay halos ibagsak na niya noon ang ikatlong grado. Ngayon ay isa na si Joey Concepcion sa mga matatagumpay na entreprenuer hindi lamang sa Pilipinas kung hindi ay sa labas din ng bansa. Noon siya ay naging CEO ng RFM Corporation, naging matinding kalaban niya ang mga higanteng kompanya ng softdrinks at ice cream. Sa edad na 28, nabili niya ang ang Selecta at Cosmos.Kinalaunan ay nabili din niya ang PopCola.
Si Roland Hortaleza ang Chairman at Chief Executive Officer ng Splash Corporation. Siya ay isang doktor ng medisina ngunit bago siya magkaroon ng ganoon na propesyon ay na-kick out siya noon sa Far Eastern University dahil sa kanyang mababang grado. Hindi ito naging balakid sa kanya at hindi siya nawalan ng pag-asa kaya naman ay nararanasan na niya ngayon ang tamis ng tagumpay.
Si Budji Layug ang siyang namamahala sa Budgi Collections, Inc. na sikat na sikat sa ibang bansa. Siya ay nakapagtapos sa New York School of Interior Design at pagbalik niya ng Pilipinas ay nag-enrol siya sa University of Santo Tomas upang mag-aral ng architecture ngunit hindi niya ito natapos. Ganun pa man, siya ay mayroong pagmamahal sa kanyang ginagawa kaya naman ay nakayanan niyang makilala sa buong mundo at maging matagumpay.
Binanggit sa artikulo ni Ramon Tulfo na pinamagatang “Bar flunkers before, successful lawyers now” na ang talino sa eskwelahan ay hindi nagbibigay ng kasiguraduhan para sa tagumpay. Ang isang tao ay maaaring nagtapos na pinakamababa sa klase ngunit may posibilidad na malampasan niya ang mga mas mataas sa kanya sa labas ng eskwelahan.
Ayon din sa artikulo ni Tulfo, isang survey ang isinagawa ng Harvard Graduate School at nalaman sa survey na marami sa kanilang estudyanteng nagtapos na pinakamababa sa klase ay nalampasan ang mga mas magagaling nilang kamag-aral. Ngayon, sila na ang nagmamay-ari ng mga iba’t ibang kompanya.
Isang supreme court insider ang nagsabi kay Ramon Tulfo na si Ombudsman Merceditas Gutierrez ay dalawang beses na kumuha ng bar exam. Naipasa lamang niya ang bar exam sa kanyang pangalawang pagsusulit.
Isa pang binanggit sa artikulo ay si Jose Miguel Tuason Arroyo. Tatlong beses siyang kumuha ng bar exam at nakapasa lamang siya sa kanyang pangatlong pagsusulit.
Kahit na sila ay nabigo sa kanilang unang pagsusulit o kahit na sabihin pa natin na sa pangalawa, hindi sila tumigil at nakamit pa rin nila ang kanilang nais na maging isang abogado.
Sinasabi sa teorya ni Robert Sternberg na ang talino ay mayroong tatlo na aspekto. Ang una ay ang componential intelligence. Ito ay ang ating abilidad o talino sa pang-akademikong mga bagay. Pangalawa ay ang experiential intelligence na tumutukoy sa ating malikhain na abilidad. Ito ang abilidad natin sa mabilis na pag-iisip ng solusyon sa mga pabago-bagong sitwasyon o problema. Ang ikatlo ay ang contextual intelligence. Ito naman ang abilidad natin na magdala sa pang-araw-araw na problemang praktikal. Dito sa teoryang ito ay pinatunayan na hindi lamang talino sa akademiko ang sukatan ng galing, may iba pang aspekto.

III. Ngayon ay Bokya, Bukas kaya, Papasa na?

Kongklusyon

Ayon sa nagawang pananaliksik, marami pang aspekto ang maaaring tingnan maliban sa grado upang masabi na magtatagumpay ang estudyante o hindi. Maaari na ang estudyante ay hindi magaling sa akademiko ngunit mayroon namang diskarte sa buhay, may determinasyon at motibasyon, malikhain, at iba pa. Nalaman din ng mga mananaliksik na ang diskriminasyon sa mga estudyante dahil sa kanilang mababang grado ay nakakaapekto sa kanila katulad na lamang ng pagkakaroon nila ng kawalan ng pag-asa. Sa kabuuan ay napagtanto ng mga mananaliksik na kahit ikaw ay mayroong mababang grado, maaari ka pa rin na magtagumpay sa kinabukasan.

Rekomendasyon

Para sa mga estudyanteng nakakakuha ng mabababang grado ngayon ay hindi sila dapat mawalan ng pag-asa. Makakatulong sa kanila ang pagkakaroon ng determinasyon, inspirasyon, at motibasyon.
Para sa mga guro sa paaralan, iwasan nilang gawing basehan lamang ang grado upang masabi na ang estudyante ay magaling. Tingnan nila kung saan mahusay ang estudyante at palawakin pa nila ang talento ng mga ito. Mabigyan sana nila ng motibasyon ang kanilang mga estudyante.
Para sa mga paaralan, magkaroon pa sana ng mas maraming programa na maaaring makatulong na mailabas ang natural na abilidad ng mga estudyante o ang kanilang itinatagong galing maliban sa mga pang-akademiko.
Para sa mga taong nagbibigay-diskriminasyon sa mga estudyanteng may mabababang grado na sana ay tumigil na sila at tulungan na lamang nila ang mga estudyanteng ito na magkaroon ng tiwala sa kanilang mga sarili.

9 comments:

  1. thanks ;) it helped us for our thesis

    ReplyDelete
  2. Sino po ang author? ? Para sa thesis.

    ReplyDelete
  3. wala sa grado ang kinabukasan mo nasa pag sisipag at diskarte yun!!! Sakit.info

    ReplyDelete
  4. Online Casino in Kerala - KDG Online Casino
    If you are looking for a reliable online casino for you, here you will find the best online 메리트 카지노 주소 casinos in kadangpintar India. Read about them 제왕카지노 here!

    ReplyDelete